--Ads--

Nasa blue alert status na ang Office of Civil Defense o OCD Region 2 bilang paghahanda sa paggunita ng Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Ayson, Information Officer ng OCD Region 2, sinabi niya na sa ilalim ng blue alert status ay mas paiigtingin ng ahensya ang monitoring at koordinasyon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Kabilang dito ang prepositioning ng response assets at pagde-deploy ng mga tauhan mula sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils sa mga strategic areas sa rehiyon.

Layunin nito na matiyak ang agarang pagtugon sa anumang insidente at maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari sa kasagsagan ng Holy Week, lalo na sa mga lugar na dinarayo ng maraming tao gaya ng mga simbahan, beach, ilog, at iba pang pasyalan.

Dagdag pa ni Ayson, kabilang sa mga pangunahing tinututukan ng OCD ang mga posibleng insidente ng pagkalunod, aksidente sa kalsada, sunog, at iba pang emergency-related incidents na karaniwang naitatala tuwing Semana Santa.

--Ads--

Nakikipag-ugnayan din ang OCD sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard upang matiyak ang mas pinaigting na seguridad at kaligtasan ng publiko.

Samantala, pinaalalahanan ng OCD ang publiko na maging maingat sa kanilang mga biyahe, sumunod sa mga ipinatutupad na safety protocols, at iwasan ang mga mapanganib na gawain upang makaiwas sa aksidente sa panahon ng Semana Santa.