Nakataas na sa signal number 1 ang ilang bahagi ng Cagayan dahil sa bagyong Julian.
Ayon sa PAGASA , napanatili ng bagyo ang lakas nito habang ito ay gumagalaw sa karagatan ng bansa.
Kasamang nakataas sa tropical cyclone wind signal 1 ay ang Babuyan Islands sa Cagayan, northeastern portion ng Isabela pangunahin sa San Pablo, Divilacan, Maconacon, Palanan, Cabagan, Santa Maria, Tumauini, Ilagan City, San Mariano, Santo Tomas, Delfin Albano, eastern portion ng Apayao pangunahin sa Luna, Pudtol, Santa Marcela, Flora.
Makakaranas naman ng pag-ulan ang malaking bahagi ng Cagayan at ilang bahagi ng Ilocos Region.
Nakita ang sentro ng bagyo sa layong 400 km silangan ng Aparri, Cagayan.
May dala itong lakas ng hangin na aabot sa 55 km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 70km/h. Kumikilos ito pa-timog sa bilis na 10km/h.
Batay sa forecast ng weather bureau, paikot na kikilos sa katubigan ang Bagyong Julian sa silangan ng Batanes at Cagayan sa susunod na limang araw.
Posible itong mag-landfall sa Batanes sa Lunes ng hapon o gabi bilang typhoon.
Mataas naman ang tiyansa na kumilos ito pa-Kanluran palapit sa extreme Northern Luzon.
SAMANTALA patuloy ding minomonitor ang isa pang tropical storm sa labas naman ng Philippine Area of Responsibility.
Ang tropical storm na may International Name na Jebi ay huling namataan sa layong 2,405km silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay naman nito ang lakas ng hanging aabot sa 75km/h malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90km/h.
Kumikilos ang bagyo pa-north northwestward sa bilis na 20km/h.