--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa ilalim na ng High Risk at Critical Risk ang ilang lugar sa Rehiyon Dos ayon sa DOH Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pauline Keith Atal, ang Health Education and Promotion Officer ng DOH Region 2, sinabi niya na labimpitong bayan sa Rehiyon ang nasa high risk.

Nangunguna sa may pinakamataas na average daily attack rate o ADAR ang lunsod ng Tuguegarao na mayroong 74.11%

Sinundan ito ng buong lalawigan ng Cagayan na may average daily attack rate na may 31.17 at sumunod ang lalawigan ng Quirino na may average daily attack rate na 14.79 at Isabela na may 11.64.

--Ads--

Ang lunsod ng Cauayan ay may average daily attack rate na 9.67, lunsod ng Santiago na may 8.24 habang nasa low risk naman ang lunsod ng Ilagan na may average daily attack rate  na 6.24.

Nasa minimal risk classification naman ang lalawigan ng Batanes na mayroong average daily attack rate na 0.40.

Sa kasalukuyan ang health care utilization rate ng rehiyon ay nasa 77.08% na maituturing nang high risk dahil nagkakapunuan na ang mga alloted beds ng mga covid referral hospitals.

Okupado na rin lahat ng mga beds sa Intensive Care Units ng CVMC, SIMC at R2TMC na prehong mga covid referral hospital sa rehiyon.

Ang utilization ng mga mechanical ventilators ng R2TMC ay isandaang bahagdan nang okupado.

Ayon kay Atal, paulit ulit ang kanilang panawagan sa mga LGUs na suriing mabuti ang mga pasyenteng dadalhin sa mga ospital upang hindi na madala pa ang mga mild lamang na maaring manatili sa mga isolation facilities at maiwasang mapuno ang mga ospital na mas prayoridad ngayon ang mga kritikal na kaso.

Aniya pagod din ng mga kawaning maghahatid sa mild patient sa ospital dahil kapag naassess na mild lamang ang sitwasyon nito ay pinapabalik upang sumailalim na lamang sa isolation sa mga Community Isolation Units ng LGU.

Ang bahagi ng pahayag ni Pauline Keith Atal, ang Health Education and Promotion Officer ng DOH Region 2.