CAUAYAN CITY – Ilang mamamayan sa Brgy Marabulig Uno ang nagrereklamo dahil sa dami ng langaw na nagmumula sa isang poultry farm na pumupunta sa kanilang mga bahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jenelyn David ng Purok 4, Marabulig Uno, Cauayan City, sinabi niya na nahihirapan na silang kumain sa dami ng mga langaw araw man o gabi na pinapagpag na lamang nila para mawala o umalis ang mga ito.
Aniya nanggagaling ang mga langaw sa isang poultry farm na pagmamay ari ni Ginoong Alex Ty at mahigit isang linggo na nila itong nararanasan.
Aniya minsan ay umaabot pa ng isang buwan ang tinatagal matapos ang paghaharvest ng manok sa nasabing poultry farm.
Ayon naman kay Ginang Juliebeth Deleona na kapitbahay nina Ginang David sinabi niya na kapag harvesting na sa poultry ay palagi nang sarado ang kanilang bahay para maiwasan ang pagpasok ng mga langaw pero may mga nakakapasok pa rin sa dami ng mga ito.
Kahit tanghaling tapat aniya ay nakakulambo sila para lamang makatulog pero may mga nakakapasok pa ring langaw.
Sa kwarto na rin umano sila kumakain at minsan ay nagkukulambo na para hindi dapuan ng langaw ang kanilang pagkain.
Araw araw ay nag iispray sila ng pamatay sa mga langaw at marami ang namamatay pero sandali lamang ang tinatagal ay marami na namang langaw ang dumadating.
Ayon kay Ginang Deleona matagal nang problema ang mga langaw sa kanila at marami na ring nagpopost ng reklamo sa social media pero walang aksyon ang pamahalaang lokal.
Umaasa siya ngayon na maaksyunan na ang kanilang reklamo dahil nahihirapan na sila sa kanilang sitwasyon.
Sa pakikipag ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy Kapitan Jaime Partido ng Marabulig Uno Cauayan City sinabi niya na ilang araw na nilang nalaman ang naturang reklamo at inaksyunan naman nila ito dahil pinuntahan na ng kagawad ang may ari ng poultry upang ayusin ang problema.
Aniya inaantay na lamang ang mapag uusapan ng mga city official at ng may ari ng poultry dahil wala pang schedule kung kailan ang araw ng pag uusap.
Ayon kay kapitan Partido nagbibigay naman ng gamot na pamatay sa mga langaw ang may ari sa mga mamayang malapit sa poultry farm.
Tiniyak naman ni Brgy Kapitan Jaime Partido na kanilang inaaksyunan ang bawat reklamo ng kanyang kabarangay dahil nakausap na rin nila ang may ari at naiparating na rin sa sanidad ang reklamo.