
CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang dalawang residente ng Alinam, Cauayan City na hindi nakasama sa pinal na listahan ng mga benepisaryo ng emergency shelter assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasiraan ng bahay sa bagyong Rosita noong 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Roselia Pulido, sinabi niya na napasama ang pangalan ng kanyang asawa sa validation dahil sa malaking pinsala sa kanilang bahay subalit nalaman niya wala na ang pangalan ng kanyang mister sa listahan.
Nais niyang malaman kung bakit hindi sila kabilang sa listahan kahit kuwalipikado silang makatanggap dahil natanggal ang bubungan ng kanilang bahay nang tumama ang bagyong Rosita noong 2018.
Nalaman niya noong Linggo na wala sa listahan ang kanilang pangalan matapos sabihing kahapon, July 13, 2020 ang pamamahagi ng naturang ayuda.
Nagtataka si Ginang Pulido dahil maraming pangalan sa listahan na hindi naman nasira ang mga bahay noong panahon ng bagyo.
Inireklamo naman ni Ginoong Richard Palamara na pinalitan ang kanyang pangalan ng pangalan ng kanyang dating asawa.
Sinabi niya na bago nangyari ang bagyong Rosita ay hiwalay na sila ng kanyang misis.
May sariling bahay ang kanyang misis na hindi naman nasira noong bagyong Rosita ngunit siya ang mabibigyan ng ayuda mula sa DSWD.
Sinabi pa ni Ginoong Palamara na pamangkin ng kanilang barangay kapitan ang nakahiwalayang asawa.
Sinabi pa niya na ang litrato ng kanyang napinsalang bahay ang isinumite ng dating asawa para maging kuwalipikado sa nasabing ayuda.
Nang ireklamo niya ito sa DWSD ay sinabihan siyang tatanggalin na lamang sa listahan ang pangalan ng dating misis at ibibigay sa iba ang ayuda.
Ito ay kanyang sinang-ayunan dahil kaya naman niyang ayusin ang nasira niyang bahay.
Samantala, nagtuturuan ang barangay kapitan at dating barangay secretary ng Alinam, Cauayan City kung sino ang nagkulang kaugnay ng reklamo ng kanilang mga kabarangay na nasiraan ng bahay na hindi kasama sa listahan ng mga benepisaryo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni dating Barangay Secretary Liezel Miras na siya mismo ang nag-validate sa mga residenteng nasiraan ng mga bahay sa kanilang barangay.
Sa isinumite niyang listahan ay kasama ang pangalan ng mga nagrereklamong sina Roselia Pulido at Richard Palamara ngunit natanggal ang kanilang pangalan.
Nagtataka siya dahil marami sa kanyang listahan noon ang natanggal sa masterlist ng mga mabibigyan ng emergency shelter assistance ng DSWD.
Iginiit niyang valid ang kaniyang listahan dahil kasama pa nila noon ang Rescue 922 sa pagbabahay-bahay para tingnan ang mga kabarangay nilang nagtamo ng pinsala ang mga bahay.
Nilagdaan ng kanilang barangay kapitan ang kanyang isinumiteng listahan dahil kasama din niya ang mga opisyal ng barangay sa validation.
Itinanggi naman ni Barangay Kapitan Ronald Peralta ng Alinam, Cauayan City ang reklamo ng kanyang kabarangay na si Richard Palamara.
Sinabi niya na kaya natanggal ang pangalan ni Palamara sa listahan ay lumipat na sila matapos ang bagyo sa Marabulig, Cauayan City at doon na naninirahan.
Hindi rin niya alam kung bakit napasama sa listahan ang isa sa kanilang barangay kagawad dahil ang kanilang dating secretary na si Miras ang nag-validate.
Sinabi niya na mas makakabuting magkaroon ng imbestigasyon matapos ang payout para malaman ang katotohanan.
Samantala, inihayag ni Mayor Bernard Dy na marami ang nagrereklamo sa listahan ng mga barangay sa mga dapat na makatanggap ng emergency shelter assistance kaya handa ang pamahalaang lunsod na magsagawa ng imbestigasyon.
Sa ngayon ay hahayaan muna nila ang DSWD na tapusin ang payout sa mga benepisaryo bago magsagawa ng pagsisiyasat ang pamahalaang lunsod.
Ayon kay Mayor Dy, karaniwan reklamo ay may kaugnayan sa paglilista ng mga nararapat na benipisyaryo kaya dapat itong masuri at masiyasat.
Gayunman, nanawagan siya na huwag lubos na isisi sa mga barangay kapitan at iba pang opisyal ng barangay ang mga kapalpakan sa paglilista ng mga benepisaryo.
Tiniyak ni Mayor Dy na gumagawa ng mga hakbang ang pamahalaang lunsod upang maiwasan ang kapalpakan o anomalya sa pamamahagi ng mga ayuda mula sa pamahalaan.
Pangunahin sa nakikitang paraan ay ang paglulunsad ng data banking na dinivelop upang maging 3D map na ang Cauayan City.
Layunin nito na madaling makita sa pamamagitan ng teknolohiya ang bawat bahay sa lunsod na makakatulong nang malaki sa pamamahagi ng ayuda tulad ng emergency shelter assistance sa mga apektado ng bagyo.










