--Ads--

CAUAYAN CITY – May mga Overseas Filipino Workers o Ofw’s na gusto ng umuwi sa Pilipinas dahil mas lumalala na ang nangyayaring kaguluhan doon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Maridel Quesada,tubong Cabatuan, Isabela at OFW sa Hongkong, sinabi niya na natatakot na sila kapag may mga rally dahil kung minsan ay humahantong sa riot.

Aniya, mayroon na siyang mga nakakausap na kapwa niya OFW na gusto nang umuwi dahil sa pangambang titindi pa ang sitwasyon doon.

May ilan ding nagsasabi na mananatili pa rin sila sa Hongkong dahil hindi naman sila madadamay basta hindi sila lalabas sa kinaroroonan nilang gusali.

--Ads--

Kapag lalabas sila ay sinasabi sa kanila ng kanilang amo kung saan nagaganap ang rally para maiwasan nilang magtungo sa roon.

Pinapaalalahanan din silang huwag magsuot ng itim, puti o pulang damit.

Ayon kay Bb. Quesada, mayroon nang inilabas na advisory ang pamahalaan ng Hongkong sa mga nagnanais na magtungo roon na tiyaking ligtas sila sa mga lugar na pupuntahan nila.

Ayon pa kay Binibining Quesada, mayroon ding mga kumakalat na text messages na nagsasabi kung anong araw may magaganap na rally.

Hindi rin aniya nagpapabaya ang Philippine Consolate doon sa pagpapaalala sa kanilang mga OFW.

Wala pa siyang nabalitaan na kapwa niya OFW na nasangkot ulit sa rally.

Ang sinasaktan aniya ng mga raliyista ay ang mga kapwa rin nila na residente sa nasabing lugar.

Wala rin aniyang nangyayaring kaguluhan kapag weekdays kaya tuluy-tuloy ang klase ng kanilang mga alagang bata.

Nagsisimula lamang ang gulo kapag gabi ng Biyernes hanggang madaling araw ng Linggo.

Ayon pa kay Bb. Quesada, hindi pa naman niya naiisip na umuwi dahil ligtas sila basta hindi sila lalabas sa bahay ng kanilang mga amo.

Tinig ni Bb. Maridel Quesada, OFW sa Hongkong

Ang ginagawa niya ay nananatili sa paligid ng kinaroroonan nilang gusali kapag day-off niya kasama ang kanyang mga kapwa Pilipino.