Nawala na ang pangamba ng 20 mga pamilya sa Alicaocao, Cauayan City dahil ligtas na sa posibleng pagguho ng lupa dahil sa ginagawang flood control project.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Mauro Flores ng Alicaocao, sinabi niya na aabot sa higit 20 na pamilya ang nangangamba tuwing may malalakas na bagyong tumatama sa lungsod.
Mapapansin kasi aniya na lumapit na rin sa mga kabahayan ang ilog dahil may mga pagkakataon na gumuguho ang lupa sa lugar lalo na tuwing may bagyo.
Sa ngayon ay panatag na rin aniya ang kalooban ng mamamayan at mga opisyal ng barangay lagi nilang binabantayan amg lugar.
Umaasa naman umano ang mga opisyal ng barangay na magiging matibay ang pagkakagawa ng flood control at matatapos na ito sa October 2025.
Ayon pa kay kagawad, inilipat lamang sa lugar ang ilang pamilya dahil sa problema sa pag baha sa dati nilang mga bahay, subalit ang naging problema naman nila ay ang posibleng soil erosion bago magawa ang flood control.
Pinanghahawakan na lamang umano nila ang pangako ng contractor na tatapusin na ito dahil tatlong taon na itong ginagawa.











