--Ads--

Patuloy na nararamdaman ng mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, dahilan upang ang ilan sa kanila ay pansamantalang tumigil na sa pamamasada.

Ayon kay Ginoong Solero Silaran Jr., isa sa mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan, kabilang sila sa mga pinakaapektado ng patuloy na pagmahal ng gasolina.

Sa kabila nito, ay wala paring pagtaas sa pamasahe kaya naman lalong nababawasan ang kanilang kinikita sa pamamasada.

Dagdag pa niya, wala pa umano silang nakikitang agarang aksyon mula sa lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang kinakaharap na problema.

--Ads--

Dahil dito, napipilitan silang humanap ng sariling paraan upang kahit papaano ay madagdagan ang kanilang kita, tulad ng pakikiusap sa mga pasahero na dagdagan ang kanilang pamasahe.

Gayunpaman, aminado si Silaran na may mga pagkakataon na hindi pumapayag ang mga pasahero na kung minsan ay nauuwi sa hindi pagkakaintindihan dahil sa kanilang pakiusap.

Sa ngayon, marami na rin umano sa kanilang mga kasamahang tricycle driver ang pansamantalang tumigil sa pamamasada dahil hindi na sapat ang kinikita upang matustusan ang kanilang araw-araw na gastusin.

Kung magpapatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo, plano rin umano ng ilan sa kanila na tuluyan nang huminto sa pamamasada.