CAUAYAN CITY – Numbers game ang impeachment sa Kongreso kaya naniniwala si Congressman Rodito Albano ng 1st district ng Isabela na hindi uusad ang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Congressman Albano na posibleng wala pang 10 na mambabatas ang susuporta sa impeachment complaint na isinampa kahapon ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano.
Ito ay dahil mahirap ang isa sa mga batayan sa reklamo na Extra Judicial Killings dahil wala namang napatunayan na EJK.
Gayunman, sinabi niya na hindi masisisi ang Magdalo na mahilig magkudeta noong sila ay nasa militar at ngayong nasa Kongreso sila ay nagsampa sila ng impeachment para bulabugin si Pangulong Duterte na hindi naman nabubulabog kahit anong gawin nila.
Iginiit ni Albano na malakas lamang ang loob ng mga naghain ng reklamo at propaganda lang nila na marami ang pipirma na mambabatas.