--Ads--

Umusad na ang pagdinig sa apat na impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara.

Ito’y matapos i-refer na nitong Lunes ang apat na beripikadong reklamo sa Committee on Justice para maisama sa Order of Business.

Si Deputy Speaker Ferjenel Biron ng Iloilo ang nag-preside sa ­sesyon nang isagawa ang referral makaraang epektibong nagtapos na noong unang bahagi ng Pebrero ang 1 year bar rule o pagbabawal na mayroon pang maihain na reklamo laban kay Duterte sa loob ng isang taon.

Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at DepEd; mga alegas­yon ni Ramil Madriaga, ­dating aide ni VP Sara; umano’y ill-gotten wealth; kabiguang ilahad ang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN); at ang banta ng Bise Presidente kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

--Ads--

Mayroong 60 araw ang Justice committee para magsagawa ng mga pagdinig.

Pagbobotohan ng plenaryo ang rekomendas­yon ng komite at kaila­ngang makakuha ng hindi bababa sa one-third ng kabuuang miyembro ng Kamara para maipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.

Ang unang impeachment complaint ay inihain noong Pebrero 2 ng Makabayan Coalition na inindorso ng Makabayan bloc.

Sa nasabi ring araw ay inihain ng mga progresibong organisasyon at civil society groups ang ikalawang impeachment complaint na inindorso naman nina Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima at Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña.

Noong Pebrero 9 ay inihain din ng religious groups, mga pari, madre, civil society at mga ­abogado ang ikatlong impeachment na inindorso rin ni de Lima.

Habang ang ikaapat na reklamo ay inihain ni Atty. Nathaniel Cabrera na inindorso naman ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. at Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V.

Nakasaad dito ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, graft and corruption, at iba pang high crimes.