Binaboy umano ang impeachment process matapos sumang-ayon ang mayorya ng mga senador na ibatay ang two-thirds voting threshold sa mga senador na legal at aktuwal na lumalahok sa paglilitis, sa halip na sa buong 24 miyembro ng Senado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi niyang malinaw sa Konstitusyon na two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado ang kinakailangang boto para sa conviction at hindi lamang two-thirds ng mga senador na legal at aktuwal na lumalahok sa paglilitis.
Ayon kay Atty. Inton, gumawa umano ang impeachment court ng sarili nitong interpretasyon sa probisyon ng Konstitusyon nang i-redefine ang salitang “all” at iugnay ito sa mga senador na naroroon at aktibong lumalahok sa trial.
Iginiit ni Atty. Inton na kung malinaw ang isang probisyon ng batas, hindi na ito dapat bigyang-kahulugan at ang interpretasyon ay kinakailangan lamang kung may ambiguity o kalituhan sa batas.
Para sa kanya, hindi na umano simpleng interpretasyon ang ginawa ng impeachment court kundi tila binago na rin ang constitutional provision, na tinawag niyang backdoor bending ng Konstitusyon.
Sinabi rin niyang ginawa umanong moving target ang voting threshold dahil maaari itong magbago depende sa bilang ng mga senador na legal at aktuwal na makikilahok sa paglilitis.
Dahil dito, inaasahan ng naturang Abogado na maghahain ang defense team ni VP Duterte ng legal na hakbang para kuwestiyunin ang naturang desisyon sa Korte Suprema.
Aniya sa ngayon, maaari umanong magsumite muna ang depensa ng motion for reconsideration sa impeachment court bago iakyat ang usapin sa Supreme Court.











