--Ads--

Posibleng magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6, ilang linggo bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Senador Erwin Tulfo.

Ayon kay Tulfo, nagbigay na ng iskedyul matapos magpatawag ng caucus si SP Cayetano, kung saan nakatakdang simulan ang impeachment trial sa Hulyo 6.

Aniya, may session ang Senado tuwing Lunes ng umaga mula alas-10 hanggang ala-1, at pagsapit ng alas-2 ng hapon ay itutuloy ang impeachment trial hanggang matapos. Sa Martes at Miyerkules naman, magsisimula ito alas-3 ng hapon hanggang gabi, habang ang Huwebes ay nakalaan lamang para sa regular na session.

Nauna nang ipinag-utos ng impeachment court na ipatawag si Vice President Sara Duterte.

--Ads--

Binigyan ang Bise Presidente ng 10 araw upang sagutin ang mga nilalaman ng Articles of Impeachment.

Ipinaliwanag ni Tulfo na matapos ang 10 araw na ibinigay sa kampo ni Duterte, magkakaroon naman ng limang calendar days ang prosecution para tumugon. Kasunod nito ay sisimulan ang pre-trial, kabilang ang pagmamarka ng mga ebidensya at pagtanggap ng mga pahayag at iba pang dokumento.

Dagdag pa ni Tulfo, inaasahang ang mismong trial ay pormal na magsisimula sa Hulyo 6 pagkatapos ng sine die break, at posibleng mangyari ito bago ang SONA.