CAUAYAN CITY-Inako na ng mga kasapi ng New People’s Army ang naganap na pagpapasabog ng sasakyan ng mga kasapi ng 86th Infantry Batallion Phil. Army kaninang umaga sa Sangbay, Nagtipunan, Quirino.
Sa pamamagitan ng statement na ipinadala sa Bombo Radyo Cauayan ng mga kasapi ng Venerando Villacillo Command , kanilang ginawa umano ang nasabing hakbang bilang pagpaparusa sa all out war ng pamahalaan
Nauna rito umabot sa anim na sundalo na miyembro ng 86th Infantry Batallion Philippine Army ang nasugatan sa pagsabog ng landmine na itinanim ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Sangbay, Nagtipunan, Quirino.
Nagsasagawa ng combat operation ang mga sundalo ng 86th IB na nakahimpil Dipantan, Nagtipunan, Quirino nang tamaan sila ng sumabog na landmine sa nabanggit na barangay.
Ang mga nasugatang sundalo ay dinala sa Diduyon District Hospital sa Maddela, Quirino.




