CAUAYAN CITY– Patay ang isang incoming Barangay Chairman matapos umanong magbaril sa kaniyang sarili sa Barangay Naguilian Norte, Lunsod ng Ilagan.
Ang biktima ay si Saturnino Caswe, apatnapu’t siyam na taong gulang, may-asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PO3 Ryan Ramos, ang imbestigador ng Ilagan Police Station, sinabi niya na natagpuan ang katawan ni Caswe sa storage room ng kanilang bahay.
Batay aniya sa kanilang paunang pagsisiyasat sa pamilya ng biktima, bandang alas singko ng madaling araw ay una umanong nagising ang biktima at nagtungo sa storage room hanggang nakarinig na lamang ng ingay ang kaniyang misis at natagpuang wala ng buhay ang asawang si Caswe.
Nagtamo ng tama ng bala ng calibre kwarentay singkong baril sa ulo si Caswe.
Natagpuan sa pinangyarihan ng insidente ang nabanggit na uri ng baril at isang basyo ng bala nito.
Sa ngayon, inaalam na ng PNP Ilagan kung kay Caswe nga ba ang baril na natagpuan at ang tunay na pangyayari dahil malinis na umano ang pinangyarihan ng insidente ng magtungo sila roon.
Isasailalim rin ang katawan ng biktima sa paraffin test.




