Humingi ng paumanhin si Indonesian President Prabowo Subianto sa Singapore at Malaysia dahil sa posibleng epekto sa kanilang mga mamamayan ng usok o haze na dulot ng mga sunog sa kagubatan sa Indonesia.
Sa isang sesyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit nitong Linggo, sinabi ni Prabowo na patuloy na magsasagawa ng mahigpit na hakbang ang kaniyang pamahalaan laban sa mga kumpanyang sangkot sa mga insidente ng forest fires.
Inihayag din ng Pangulo ang planong magtatag ng bagong ahensiya na tututok sa pagpapalakas ng mga hakbang para maiwasan ang mga sunog sa kagubatan.
Ayon naman kay Philippine Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, naging bukas ang Indonesia sa pagpapaliwanag ng mga hakbang na isinagawa nito upang matugunan ang problema sa forest fires.
Dagdag ni Lazaro, hinikayat din ng mga lider ng ASEAN ang mga kasaping bansa na bigyang-prayoridad ang ratipikasyon ng kasunduan para sa ASEAN Coordinating Center on Transboundary Haze Pollution Control.
Sa kasalukuyan, hinaharap ng Indonesia ang pinakamalalang forest fires nito sa loob ng 11 taon, kung saan malawak na bahagi ng lupain sa mga isla ng Sumatra, Borneo at Papua ang naapektuhan ng sunog.











