Inaasahang tataas ang inflation rate sa bansa sa pagitan ng 3.1 porsiyento hanggang 3.9 porsiyento nitong Marso, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sinabi ng BSP na ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, bigas, at kuryente ang maaaring nagtulak pataas sa antas ng inflation. Dagdag pa rito ang paghina ng piso na nakaapekto rin sa presyo ng mga bilihin.
Gayunman, maaaring nakatulong sa pagpigil sa mas mataas na inflation ang pagbaba ng presyo ng gulay, isda, at karne sa parehong panahon.
Noong Pebrero, naitala ang inflation sa 2.4 porsiyento, na pangunahing dulot ng pagtaas ng presyo ng pabahay at pagkain. Sa panahong iyon, sinabi na ni National Statistician Dennis Mapa na posibleng tumaas pa ang inflation sa mga susunod na buwan dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Samantala, noong nakaraang linggo, inihayag ng BSP na inaasahan nitong aabot sa average na 5.1 porsiyento ang inflation sa 2026.
Mas mataas ito kumpara sa naunang mga pagtataya at lumalagpas din sa target ng pamahalaan na 2 hanggang 4 porsiyento.










