--Ads--

Umakyat sa 2.4 percent ang headline inflation sa bansa noong Pebrero 2026, mula sa 2.0 percent noong Enero at mas mataas kaysa 2.1 percent sa kaparehong buwan noong 2025. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nananatili pa rin ito sa loob ng forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.3 hanggang 3.1 percent para sa buwan.

Ang average inflation mula Enero hanggang Pebrero ay nasa 2.2 percent, mas mababa sa BSP target na 3.0 percent para sa buong taon, ngunit pasok pa rin sa tolerance range na ±1.0 percentage point. Para sa mga kabahayan na kabilang sa bottom 30% income group, tumaas ang inflation mula 1.6 percent noong Enero tungo sa 2.5 percent noong Pebrero.

Ayon sa PSA, mas mataas na presyo ng pagkain ang pangunahing nagtulak sa pagtaas ng inflation, partikular sa gulay, isda, at seafood na naapektuhan ng weather-related disruptions at closed fishing season. Samantala, bumagal ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil sa tighter supply conditions matapos ang import restrictions noong huling bahagi ng 2025 at kasalukuyang lean season.

Tumaas din ang inflation para sa non-food items gaya ng housing, water, electricity, gas and other fuels, pati na rin sa restaurants and accommodation services. Sa month-on-month seasonally adjusted basis, umakyat ang headline inflation mula 0.1 percent noong Enero tungo sa 0.4 percent noong Pebrero.

--Ads--