CAUAYAN CITY – Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) North Luzon ang pagbaril at pagpatay ng riding-in-tandem suspects kay City of Ilagan Deputy Prosecutor Victor Begtang Jr. malapit sa kanyang bahay sa Malama, Conner, Apayao.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ng baril si Fiscal Begtang matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin dakong 2:30pm kahapon, June 23, 2021.
Naisugod pa si Begtang sa Conner District Hospital ngunit binawian din ng kanyang buhay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Lucky Damasen, Governor-elect ng IBP-Northern Luzon, sinabi niya na mabait at masipag si Atty. Begtang dahil nakalaban din niya sa isang kaso noon.
Nalulungkot at nanghihinayang si Atty. Damasen sa pagkasawi ng kapwa niya abogado dahil kabilang siya sa mga magagaling, devoted at may sinseridad na makipagtalastasan sa hukuman upang mapalutang ang katotohanan.
Ayon kay Atty. Damasen, magpapalabas ang IBP-North Luzon ng official statement bilang pagkondena sa pagpatay kay Fiscal Begtang.
Samantala, sinabi ni Atty. Damasen na wala siyang napag-aalamang abogado sa region 2 na nakakaranas ng harrassment o red tagging ngunit pagtutuunan nila ito ng pansin para maiwasang mangyari ito sa mga abogado sa rehiyon.
Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Police Regional Office at sa Provincial Office ng 14 na lalawigan sa Northern Luzon upang mapag-usapan kung paano maprotektahan ang seguridad ng mga abogado.











