Inanunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla ngayong araw ng Lunes na naglabas na ang International Criminal Police Organization o Interpol ng blue notice para kay dating House appropriations committee chairperson at nagbitiw na Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.
Ayon kay Remulla, may impormasyon silang posibleng gumagamit si Co ng ibang pasaporte.
Ang Interpol blue notice ay ginagamit upang mangalap ng dagdag na impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan, kinaroroonan, o aktibidad ng isang taong iniimbestigahan.
Samantala, ang Interpol red notice ay inilalabas upang hanapin at arestuhin ang mga taong may kinakaharap na kaso o sentensiya.
May inilabas na arrest warrants laban kay Co at 15 iba pa ng Sandiganbayan kaugnay ng P289.5-milyong road dike project sa Oriental Mindoro.
Sila ay nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kabilang ang malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents.
Kasama sa mga kinasuhan ang ilang opisyal ng DPWH Region 4B at mga executive ng Sunwest Corporation, isang construction firm na inuugnay kay Co.
Ngayong umaga din ng Lunes, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilang akusado ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
Naglabas naman ang DILG ng mugshots sa kanilang press conference kasama ang PNP, DOJ, NBI at DPWH, na nagpapakitang walo sa mga suspek ang naaresto.











