--Ads--

Idinulog ng isang Person with Disability (PWD) sa Bombo Radyo Cauayan ang umano’y hindi pagsasakay sa kanya ng ilang tricycle driver sa Cauayan West Central School o CWCS TODA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jose Quitalib, isang residente ng Minante Uno, Cauayan City, sinabi niya na tuwing siya ay bumibiyahe, kahit pa nasa paradahan na siya ng tricycle, natatagalan siya dahil wala umanong tricycle driver ang nag-aalok na sumakay sa kanya, kahit na may pila.

Giit niya, pinipili ng mga tricycle driver ang kanilang sinasakay na pasahero at kadalasan ay hindi kasama si Ginoong Quitalib.

Si Ginoong Quitalib ay isang PWD, nakasaklay, at hirap sa paglakad kaya kailangan niya ng tulong o alalay tuwing sasakay sa tricycle.

--Ads--

Ayon sa kanya, walang tricycle driver ang nais tumulong sa kanya, kaya napipilitan siyang maghintay nang matagal sa gilid ng kalsada para sa mga dumadaang tricycle, hanggang sa may driver na hihinto para maihatid siya sa kanyang pupuntahan.

Aniya masakit para sa kanya ang ganitong nangyayari dahil magbabayad naman umano siya ng pamasahe.

Iginiit niya na ang ganitong sitwasyon ay nagdudulot ng labis na kahirapan at kawalan ng respeto sa karapatan ng mga PWD na magkaroon ng pantay na access sa pampublikong transportasyon.

Mariin namang itinanggi ng mga tricycle drivers sa CWCS TODA ang reklamo ni Ginoong Quitalib.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ian Peralta, Presidente ng naturang TODA, sinabi niya na walang katotohanan ang sinasabi ng PWD dahil personal niya itong nasasaksihan at isinasakay naman niya ito. Tiniyak niya na patas ang serbisyo ng mga tricycle driver sa lahat ng pasahero, lalo na sa mga kabilang sa vulnerable sector gaya ni Ginoong Quitalib.

Aniya, may mga pagkakataon pa ngang hindi na niya pinagbabayad ng pamasahe si Quitalib dahil nakikita niya ang hirap na dinaranas nito. Ipinaliwanag din niya na maaaring ibang TODA ang mga pinapara nitong tricycle, kaya hindi ito tumitigil dahil hindi naman sila pwedeng magsakay sa hindi nila ruta.

Dagdag pa ni Peralta, minsan ay nasusungitan sila ni Quitalib, subalit iniintindi umano nila ito dahil sa kanyang kapansanan. Ayon sa kanya, patuloy nilang pinapaalalahanan ang lahat ng miyembro ng TODA na maging maunawain at magpakita ng konsiderasyon sa lahat ng pasahero, lalo na sa mga may kapansanan.

Samantala, sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romeo Rocero, isang tindero sa lugar, sinabi niya na personal niyang nasasaksihan ang pangyayari sa nasabing TODA. Aniya, suportado niya ang pahayag ng mga tricycle driver dahil aktwal niyang nakikita na minsan ang mga driver mismo ang pumipilit kay Quitalib na sumakay, ngunit ito ang tumatanggi. Minsan na rin umano niyang inutusan ang kanyang anak na tulungan si Quitalib sa pagsakay sa tricycle, ngunit tinanggihan rin ito ng PWD.

Bukas naman ang mga tsuper ng tricycle sa masinsinang pag-uusap upang malinawan ang isyu at maayos ang samahan ng mga tao sa komunidad.

Ayon sa kanila, ang sitwasyong ito ay isang pagkakataon para mapag-usapan ng maayos ang mga patakaran sa paradahan, mga responsibilidad ng TODA, at ang pangangailangan ng mas malinaw na gabay sa pagtulong sa mga PWD.

Layunin nilang maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan at mapanatili ang maayos at pantay na serbisyo para sa lahat ng residente, lalo na sa mga may kapansanan.

Ang insidenteng ito ay nagbunsod ng mas malawak na diskusyon sa karapatan ng mga PWD sa access sa pampublikong transportasyon sa Cauayan City, at nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas malinaw na patakaran para sa pantay na serbisyo sa lahat ng mamamayan.