Mas paiigtingin ng Isabela Police Provincial Office ang mga border control points sa lalawigan ng Isabela ngayong pagsisimula ng local campaign period.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng IPPO, sinabi niya na magkakaroon ng 24/7 full security simula ngayong araw kung saan pangunahin nilang tututukan ang mga border checkpoints sa bayan ng Quezon, Roxas, Ramon, San Agustin at Jones.
Simula Marso 24 ay naka-heightened alert na ang mga kapulisan sa Isabela upang matiyak ang kapayapaan ngayong campaign period at hanggang sa matapos ang halalan.
Lahat aniya ng lugar sa lalawigan ay kanilang tututukan ngunit mas dadamihan nila ang pagdedeploy sa mga personnel na mas nangangailangan ng kanilang pwersa.
Samantala, iginiit ni PCapt. Topinio na nananatiling non-partisan at apolitical ang mga kapulisan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit inilipat pansamantala sa ibang lugar ang mga Pulis na mayroong mga kamag-anak na tatakbo sa halalan upang maiwasan na mabahiran ng pulitika ang mga kapulisan.