--Ads--

CAUAYAN CITY – Apat ang naitalang biktima ng paputok sa unang araw ng Enero, 2018 sa lalawigan ng Nueva Vizcaya

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/ Supt. Joseph Dela Cruz, pansamantalang Public Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office kanyang inihayag na dalawa ang biktima sa bayan ng Bambang at tig-isa sa mga bayan ng Bagabag at Solano.

Sa Bagabag, ang biktimang si Leo, 16 anyos, mag-aaral ay nagtamo ng sugat sa katawan matapos biglang pumutok ang sinindihang Kuwitis.

Nagtamo naman ng sugat sa kanyang likod si Randy Aguilnaldo, dalawampu’t pitung taong gulang ng Solano, Nueva Vizcaya matapos magselfie at gawing background ang mga paputok.

--Ads--

Nagtamo naman ng sugat sa kamay ang isang pitung taong gulang na bata na residente ng Homestead , Bambang, Nueva Vizcaya matapos mamulot ng lusis na hindi pumutok.

Bigla na lamang pumutok ang lusis nang hawakan ng bata.

Inihayag pa ni Supt. Dela Cruz na nagtamo ng sugat sa mga daliri ang 4 na anyos na bata, residente ng Magsaysay Hill, Bambang, Nueva Vizcaya makaraang bigla na lamang pumutok ang hawak na kuwitis.

Sa kabila ng mga naitalang biktima ng paputok sa lalawigan ng Nueva Vizcaya ay kanilang itinuturing na pangkalahatang mapayapa ang pagsalubong ng bagong taon.