Nananatili sa hospital arrest ang isang lalaki na nasangkot sa banggaan ng motorsiklo sa barangay San Pablo Cauayan City habang tuluyan nang binawian ng buhay ang biktima sa aksidente.
Una nang napaulat sa Bombo Radyo ang aksidenteng kinasasangkutan ni Richard 37 anyos, tsuper ng Honda Beat, magsasaka at residente ng Brgy. Casalatan, at ni Marcel 43 anyos, tsuper ng Honda ADV motorcycle residente ng Brgy. San Isidro, Cauayan City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na si Richard sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang umagaw ng linya ang kasalubong na motorsiklo ni Marcel.
Dahil sa lakas banggaan, nagtamo ang parehong rider ng malubhang sugat at agad na dinala sa ospital ng mga kasapi ng Rescue 922.
Gayunman, ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, habang nilalapatan ng lunas ang biktimang Richard ay binawian din siya ng buhay.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital si Marcel.
Kaugnay nito ay nagpapaalala naman ang pulisya sa publiko upang makaiwas sa mga aksidente.
Matataandaang pinaiigting na rin ng pulisya sa lalawigan ng Isabela ang panghuhuli sa mga rider na hindi nagsusuot ng helmet upang maiwasan ang mga malalalang aksidente.
Samantala, sa talaan naman ng Rescue 922, dalawang ang naitalang aksidente sa magdamag.
Isa ang naitalang banggaan kagabi habang ang isa pang naitalang aksidente ay ang naitalang pagkabangga ng isang motorcycle rider sa isang galang hayup o stay animal.
Ayon sa Rescue 922, hindi pa rin nawawala ang mga ganitong aksidente kayat nagpapaalala pa rin sila sa mga motorista at mga may-ari ng mga hayup na huwag hayaan ang kanilang mga alaga na gumagala sa mga kakalsadahan.











