NUEVA VIZCAYA – Isa ang namatay matapos maganap ang aksidente na kinasangkutan ng tatlong sasakyan sa pababang daan sa Barangay Balite, Diadi.
Ang nasawi ay ang tsuper ng elf truck na si Gerald Areola Rosales, residente ng Balug, Tumauini, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Lt. George Dayag, Deputy Chief of Police ng Diadi Police Station na bukod sa elf na minaneho ng nasawi ay sangkot din sa aksidente ang isang EMC bus na minaneho ni James Asuncion, tatlumput limang taong gulang, may-asawa, residente ng Alicia, Isabela at ang Trailer Truck na minaneho ni Danilo Pascual Lopez, residente ng Aritao, Nueva Vizcaya.
Naipit at nagulungan ang biktima dahil sa lakas ng impact ng banggaan na agad dinala sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Bagamat patuloy ang pagsisiyasat ng Diadi Police Station ay natuklasan na ang Trailer truck ang bumangga sa sa elf truck na minaneho ng nasawi na si Rosales.
Dahil sa pagbangga ng trailer truck ay tumilapon palabas ang tsuper na nagsanhi para magulungan ng minamaneho nitong sasakyan.
Maari anyang na-loose break ang Trailer truck sa pababang daan na nagsanhi para bumangga sa mga sinusundang dalawang sasakyan.
Mapalad namang walang nasaktan sa mga pasahero ng bus.