--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagsisiyasat ng Echague Police Station upang matukoy ang pinaghihinalaan na nagtangkang mangholdap sa isang drive-in hotel sa purok 7, Barangay Soyung, Echague, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station napansin ng may-ari ng hotel ang lalaki sa reception area kayat pinakawalan ang aso na binaril ng pinaghihinalaan bago tumakas.

Batay sa kanilang pagsisiyasat narecover ng mga otoridad ang isang empty shell at slug ng 9mm sa nabanggit na lugar.

Inaalam na ng pulisya ang pagkakilanlan ng pinaghihinalaan na nakasuot ng itim na jacket, naka-sombrero at mayroong facemask.

--Ads--

Nanawagan ang si PMaj Natividad sa mga nabibiktima ng mga magnanakaw o holdaper na iulat sa himpilan ng pulisya upang makagawa ng hakbang at mapigilan na maulit ang pangyayari.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga bahay kalakal na may beinte kuwatro oras ang operasyon na kung may mahalatang hindi kanais-nais na gawain ay tumawag sa himpilan ng pulisya upang agad silang makatugon.

Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Mary Grace Donato-Tejero, anak ng may-ari ng drive-inn hotel na inakala ng pinaghihinalaan na mag-isa lamang ang sekretarya sa reception area na katabi ng kanyang kuwarto kahapon ng  madaling araw nang pasukin ng lalaking mayroong baril at nagdeklara ng hold-up.

Nakita nila sa kuha ng CCTV na ang pinaghihinalaan ay nagtatago sa gilid sa harapan ng hotel at nang inakalang mag-isa ang secretary ay pumasok at nagdeklara ng hold-up.

Sa dami anya ng susi ay hindi malaman ng lalaki ang susi ng kaha kaya hinihila-hila na lang niya ang padlock. Nang binuksan kuwartong nasa tabi ng reception area ay nagulat ang pinaghihinalaan dahil nasa loob din ang aso na kanyang pinakawalan na binaril ng pinaghihinalaan bago tumakas.

Ang aso ay tinamaan ng bala ng baril kaya inoperahan ng beterinaryo at nasa mabuti nang kalagayan.

Wala aniyang streetlight sa kanilang lugar at umaasa siyang magroronda ang mga barangay tanod upang mapigilan ang gawain ng mga masasamang loob.