Sugatan ang isang anim na buwang buntis matapos mabangga ng rescue vehicle ang kolong-kolong nito na nakaparada sa gilid ng pambansang lansangan sa Ipil, Echague, Isabela partikular sa tapat ng Echague District Hospital (EDH).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Victor Ruma, nakasaksi sa pangyayari, sinabi niya na mula sa National Highway ay papasok sana sa EDH na nasa kaliwang bahagi ng daan ang sasakyan ni Echague Vice Mayor Dr. Allan Tupong subalit nag-overtake umano ang rescue vehicle at nasalpok ito.
Matapos sumalpok sa sasakyan ay nagdere-deretso ang rescue vehicle sa gilid ng daan at nabangga ang Kolong-Kolong na pagmamay-ari ng isang babae na anim na buwang buntis.
Tumilapon ang biktima matapos mabangga ng nasabing sasakyan. Agad naman itong dinala sa malapit na pagamutan.
Samantala, maliban sa driver ay wala namang mga sakay ang nasabing rescue vehicle.
Agad namang dinala sa himpilan ng PNP-Echague ang tsuper nito para sa agarang imbestigasyon.










