--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang ginang habang nasugatan naman ang labimpitong iba pa kabilang ang walong bata sa naganap na banggaan ng kotse at van sa Brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.

Ang sangkot ay isang Van na minaneho niChris Ian Dumlao, tatlumput apat na taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Minanga, San Mariano, Isabela at sakay nito ang kanyang walong kapamilya at anim na laborer kabilang ang isang taong gulang na bata.

Ang isa pang sasakyang sangkot ay isang Toyota Wigo na minaneho ni Virgil Maneja, tatlumput apat na taong gulang, may asawa, isang sundalo at residente ng Integrated Palar, Taguig City.

Sakay naman nito ang walong katao kabilang ang anim na mga bata, at ang nasawing ginang na pawang magkakapamilya.

--Ads--

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, binabaybay ng Van ang lansangan patungong lungsod ng Cauayan habang patungo naman sa kasalungat  na direksyon ang Toyota Wigo nang bigla itong umagaw ng linya na nagdulot ng pagbangga sa kasalubong na Van.

Nagtamo ng minor injuries ang drayber ng Van at walong sakay nito habang sugatan naman ang anim na bata na sakay ng Wigo.

Malubha ang tinamong sugat ng drayber na si Maneja maging ang ginang na kinilalang si Vilma Maneja na binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital.

Batay sa pulisya nagkaroon na ng inisyal na pag-uusap ang magkabilang panig ngunit walang nangyaring pag-areglo.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at inaalam pa ang halaga ng pinsala sa insidente.