Hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng isang babae na nasawi matapos mabangga ng isang Van sa Barangay Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.
Ang biktima ay isang babae na nasa edad 50-60, nakasuot ng pulang shorts, bulaklakan ang damit at may mga puti na itong buhok.
Kinilala naman ang tsuper ng Van na si Alexander Kalaskas na residente ng Pangasinan.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa San Mateo Police Station, binabaybay umano ng Van ang National Highway na nasasakupan ng Barangay Sinamar Sur patungong Apayao at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla umanong tumawid ang biktima sa daan dahilan upang mahagip ito ng Van.
Dahil sa lakas ng impact ay nagtamo ng matinding sugat sa katawan ang biktima na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkasawi.
Hindi naman nasaktan ang tsuper ng Van at boluntaryo itong sumuko sa mga kapulisan.
Dahil sa tinamong injury ng biktima ay halos hindi na makilala ang kaniyang mukha kaya naman nanawagan ang San Mateo Police Station sa mga nakakakilala rito na ipagbigay alam lamang ito sa kanilang himpilan.
Hinala ng Pulisya na ito ay naninirahan lamang sa kalapit na barangay dahil hatinggabi na ay naglalakad pa rin ito sa daan at mayroong bitbit na supot ng kamatis.
Sa ngayon ay nakahimlay ang biktima sa isang punerarya sa bayan ng San Mateo.