--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasa maayos nang kalagayan ang isang sundalo na nasugatan sa naganap na sagupaan ng mga sundalo at kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Dicamay Dos, Jones, Isabela.

Umurong at nagtungo sa hilagang direksiyon ang mga kasapi ng NPA matapos ang sampung minutong sagupaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. Col Remigio Dulatre, Batallion Commander ng 86th IB na tumugon ang mga sundalo sa sumbong ng mga mamamayan na panggigipit at pamemerhuwisyo sa kanila ng mga rebelde.

Habang naglalakad ang mga sundalo sa kanilang pagtugon sa hinaing ng mga residente sa lugar ay pinaputukan sila ng mga NPA at gumanti naman ang mga sundalo.

--Ads--

Nakasagupa nila ang umaabot sa 10 rebelde na kasapi ng Renato Posani alyas Ka Andong ng Southern Front ng CPP-NPA sa Nueva Vizcaya at Quirino.

Sinabi ni Lt. Col. Dulatre na ang sagupaan ay naganap sa hangganan ng Jones at San Agustin kaya maaaring ang mga rebelde mula sa Quirino ay tumutulong sa kanilang mga kasama sa Isabela na mahina na ang puwersa.

Binigyang-diin ni Lt. Col. Dulatre na bukas ang 86th IB sa negosasyon para sa pagsuko ng mga NPA.

Maaaring idaan ang kanilang pagsuko sa mga opisyal ng barangay na siya namang makikipag-ugnayan sa kanila.