Kabilang ang Isabela Electric Cooperative, Inc. (ISELCO 1) sa Top 10 distribution utilities sa bansa na may pinakamababang singil sa kuryente, ayon sa ulat ng Department of Energy (DOE).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Noemi Valdez, Branch Office Supervisor ng ISELCO 1 Santiago Branch Office, na isang malaking karangalan para sa kanilang organisasyon ang makapasok sa listahang ito. Ipinahayag niya ang kanilang pagmamalaki sa patuloy na pagbibigay ng abot-kaya at maasahang kuryente sa kanilang mga member-consumer.
Ayon sa DOE, ang ISELCO 1 ay nakatala sa ika-siyam na pwesto sa lahat ng electric distribution utilities sa bansa, na may average na singil na ₱8.72 kada kilowatt-hour. Aniya, ito ay bunga ng matatag na pamamahala, epektibong cost-efficiency programs, at maayos na operasyon ng kooperatiba, na naglalayong mapanatili ang mababang singil habang sinisiguro ang tuloy-tuloy na kuryente sa mga bayang kanilang nasasakupan.
Dagdag pa ni Valdez, malaking bahagi ng mababang singil ng ISELCO 1 ay dahil sa mababa at maayos na generation rates mula sa kanilang power suppliers.
Tiniyak niya na nakatuon pa rin ang ISELCO 1 sa pagpapabuti ng serbisyo, modernisasyon at pag-upgrade ng imprastruktura, at pagsuporta sa mga programang makikinabang ang parehong residential at commercial consumers.
Ito ay sa kabila ng mga batikos mula sa ilang konsumer, kabilang ang reklamo sa paminsang pagtataas ng singil, mga brownout, at iba pang isyu sa serbisyo.
Ayon kay Valdez, patuloy nilang pinapakinggan ang feedback ng mga miyembro at nagsasagawa ng aksyon upang maayos ang mga problema at mapabuti ang kabuuang serbisyo ng kooperatiba.











