CAUAYAN CITY – Nakatakdang bumuo ng team na magbibigay ng stress debriefing sa mga Person Under Investigation (PUIs) at Person Under Monitoring (PUMs) na nakakaranas ng diskriminasyon dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang Isabela State University (ISU) Echague Campus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helena Florendo, isang psychologist at Dean ng College of Arts and Sciences ng ISU Echague Campus, sinabi niya na sa ngayon ay mas nangingibabaw ang distress o isang uri ng prolong stress na nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng maraming Pilipino.
Aniya, karamihang distress ay ang mga taong nakakaranas ng diskriminasyon tulad ng mga health workers.
Ito ay sa kabila ng kanilang ginagampanang tungkulin sa pagtugon sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Florendo ang nasabing stress na nararanasan ng mga healht workers, PUI’s at PUM’s ay maaaring humantong sa depresyon kung hindi nila ito makokontrol.
Sa ngayon ay mahalaga ang kooperasiyon ng komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa mga frontliners, PUI’s at PUM’s at kanilang mga kaanak upang maibsan ang nararanasan nilang depresyon.
Ang nasabing stress debriefing project ay isasagawa sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono bilang pagtalima pa rin sa Social Distancing.











