
CAUAYAN CITY – Walang naitalang napinsala matapos yanigin ng 5.2 magnitude na lindol ang bayan ng Itbayat, Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul ng Batanes na dakong 3:10 ng madaling araw kahapon naganap ang lindol sa bayan ng Itbayat.
Batay sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) ng Itbayat ay wala namang malaking epekto ang may kalakasan na pagyanig sa naturang bayan.
Sinabi ni PDRRMO Esdicul na nagulat at nagising ang mga natutulog na residente nang maramdaman ang pagyanig na ayon sa PHIVOLCS ay tectonic ang origin.
Ang epicenter ng lindol ay 31 kilometers sa Hilagang-Silangan ng Itbayat, Batanes at may lalim na 184 kilometers.
Bagamat hindi nagdulot ng pinsala ang lindol ay nagbabala ang PHIVOLCS na posibleng makaranas ng aftershocks.




