--Ads--

Nawalan ng malay at inatake ng seizure ang isang jeepney driver habang nakapila para sa P5,000 cash aid sa Quezon City, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Ayon sa ulat, agad siyang tinulungan ng kapwa niya mga tsuper sa pamamagitan ng pagpapaypay at pagbuhos ng tubig upang siya ay magkamalay. Isang responder ang nagsagawa ng CPR bago siya isinugod sa Quezon City General Hospital.

Napag-alaman na nagkaroon siya ng electrolyte imbalance na dulot ng gutom.

Karamihan sa mga jeepney driver na nakapila para sa ayuda sa Quezon City ay bumibiyahe sa rutang Lagro-Cubao. Humingi naman sila ng paumanhin sa mga pasaherong naiwan sa Commonwealth Avenue, at iginiit na kailangan nila ang tulong pinansyal.

--Ads--

“Napakahalaga po nu’n dahil sa hirap ng biyahe. Wala kaming kinikita. Dalawang araw lang po na karga. Kapag naubos, ‘yun ang problema kung saan kami kukuha,” ani jeepney driver na si Remegion Quitay.

Samantala, isa pang tsuper na si Juvy Bongolto ang dumiretso sa payout ng ayuda matapos ma-discharge mula sa ospital, kung saan siya na-confine dahil sa ikalawang stroke.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, makikipag-ugnayan ang ahensya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa mga samahan ng operators at drivers upang matukoy ang mga tsuper na hindi nakasama sa listahan ng benepisyaryo.

Naghahanda na rin ang DSWD para sa ikalawang bugso ng pamamahagi ng ayuda kung magpapatuloy ang krisis sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Gatchalian na tinatayang aabot sa P7 bilyon ang kakailanganing pondo upang maipamahagi ang cash aid sa buong bansa para sa isang round ng distribusyon.