CAUAYAN CITY – Handa ang Jones Police Station na magkasa ng mas malalim na imbestigasyon kaugnay sa pagkakasangkot ng kanilang Personnel sa panunutok ng baril at pag-iingat ng iligal na droga sa Reina Mercedes, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Prospero Agonoy, Chief of Police ng Jones Police Station sinabi niya na malinis ang record at walang anumang kahina-hinalang gawain ang pulis na umanoy nasangkot sa pag-iingat ng iligal na droga.
Ayon sa mga kasamahan o katrabaho ni PSSgt. Balanay, una siyang naitalaga sa Jones Police Station noong 2021 at wala naman umano itong anumang record mapa-administratibo o kriminal habang siya ay nasa serbisyo bilang team leader ng kanilang Patrol Unit.
Sa katunayan, dating intel operative si PSSgt. Balanay subalit nailipat ng destino matapos siyang ma-stroke.
Matatandaan na inaresto si PSSgt. Joel Balanay na aktibong miyembro ng PNP at nakatalaga sa Jones Police Station matapos na manutok ng baril at masamsaman pa umano ng droga sa Tallungan, Reina Mercedes, Isabela.
Batay sa pahayag ng Reina Mercedes Police Station nakatanggap sila ng tawag patungkol sa isang Police personnel ng IPPO na nanutok ng baril sa kasagsagan ng isang casing and surveillance operation sa lugar.
Agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation kung saan siya ay naaresto.
Ayon sa PNP, nakuha mula sa direktang pag-iingat ng suspek ang kaniyang service firearm na isang Caliber 9mm Pistol at isang pakete ng shabu, habang isa pang hinihinalang droga ang nakuha mula sa kanyang motorsiklo.