Masayang ibinahagi ng celebrity couple na sina Juancho Triviño at Joyce Pring na nadagdagan na uli ng bagong miyembro ang kanilang pamilya.
Tatlo na ngayon ang anak nina Juancho at Joyce dahil sa pagdating ng bagong angel sa kanilang buhay – si Baby Gregorio Andres.
Sa isang joint Instagram post, ibinahagi ni Joyce ang good news sa pamamagitan ng isang video kung saan makikitang kasama niya sa loob ng kanyang hospital room si Juancho at ang ika-3 nilang baby.
Kuwento ni Joyce, isinilang niya si Baby Andres isang linggo matapos mag-celebrate ang daughter niyang si Agnes Eleanor ng kanyang ika-3 kaarawan. Ka-birthday din daw nito ang kanyang Lolo Greg.
Bumuhos naman ang mensahe ng pagbati kina Joyce at Juancho mula sa mga netizens at kapwa celebrities para sa bago nilang baby.
Ikinasal sina Juancho at Joyce sa pamamagitan ng outdoor wedding ceremony noong February, 2020. Isinilang naman ni Joyce ang panganay nila na si Alonso Eliam noong July, 2021.





