CAUAYAN CITY- Naniniwala ang kaanak ng isa sa mga nahuling suspek sa pagbebenta ng binhi ng pamahalaan na nagamit lang kanyang hipag sa pagbebenta ng mga binhi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Cris, hipag ng isa sa mga suspek, sinabi niya na hindi trabaho ng kaniyang hipag ang magbenta ng mga iligal lalo pa at may mga anak itong pinag-aaral.
Laking gulat umano nito nang malaman niya na nahuli ang kanyang hipag dahil sa pagbebenta ng mga binhi mula sa gobyerno.
Aniya, marahil ay nagipit lang din ang kaniyang hipag kaya nagawa niya ito.
Giit niya maayos na negosyante ang kanyang hipag dahil siya ay nagbebenta ng mga binhi na legal sa bayan ng Echague, Isabela.
Kung tapos na ang taniman ay umuuwi ito sa kanilang bahay upang magtinda naman ng mga gulay, karne at mga halaman.
Umaasa naman sila na makakapaglagak ng piyansa ang suspek para sa pansamantala nitong paglaya.











