Humupa na ang mga protesta at kaguluhan sa France kasunod ng malawakang rally noong Oktubre 17, habang patuloy na minomonitor ng Philippine Embassy sa Paris ang kaligtasan at kalagayan ng mga Pilipinong naninirahan sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Consul Oliver Cutamora Delfin, First Secretary and Consul ng Philippine Embassy in Paris, sinabi nitong bumalik na sa normal ang sitwasyon kinabukasan matapos ang naturang malawakang protesta.
Aniya, nagsimula ang mga protesta noong huling linggo ng Setyembre bilang mapayapang pagkilos ng mga estudyante sa high school na nananawagan ng dagdag na pondo para sa edukasyon, mas maayos na pasilidad ng mga paaralan at dagdag na mga guro.
Gayunman, kalaunan ay nadagdagan ang mga grupong nakikilahok, kabilang ang mga guro, bombero at iba pang kawani, hanggang sa lumawak ang mga protesta sa Paris at iba pang malalaking lungsod.
Paliwanag ni Delfin, sa pinakamalaking rally noong Oktubre 17 ay may mga rioter at looter na ring nakisali, na nagresulta sa panununog at pagnanakaw sa iba’t ibang establisimyento, mula sa maliliit na tindahan at grocery hanggang sa mga mamahaling tindahan ng mga luxury goods.
Dahil dito, nagpatupad ang mga awtoridad ng curfew sa ilang piling lugar at nakipag-usap sa mga lider ng protesta upang mapahupa ang kaguluhan.
Samantala, tiniyak ni Delfin na wala pa silang natatanggap na ulat ng mga Pilipinong nasawi, nasugatan o direktang naapektuhan sa kanilang trabaho dahil sa mga protesta.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng embahada sa mga lokal na awtoridad, lider ng Filipino community at mga honorary consul sa iba’t ibang bahagi ng France upang makapagbigay ng tama at napapanahong impormasyon sa mga Pilipino.
Wala pa ring natatanggap na kahilingan para sa repatriation o pagpapauwi ng mga Pilipino sa Pilipinas dahil sa kaguluhan, ayon sa opisyal. Sa ngayon, wala rin umanong nakikitang pangangailangan para sa malawakang repatriation dahil nananatiling ligtas ang mga Pilipinong umiiwas sa mga lugar ng protesta.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Delfin ang mga Pilipino sa France na umiwas sa mga lugar na may demonstrasyon, manatiling neutral sa mga usaping pampolitika at maging maingat sa mga komentong inilalathala sa social media.
Hinimok din niya ang mga ito na subaybayan ang mga opisyal na anunsiyo ng Philippine Embassy at agad makipag-ugnayan dito kung nangangailangan ng tulong o sakaling malagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan.





