Tiniyak ng Department of Education (DepEd) Region II (Cagayan Valley) na maayos at handa ang lahat para sa CAVRAA 2026 sa Santiago City, kasabay ng inaasahang mas mataas na performance ng mga kalahok na atleta ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Benjamin Paragas ng Department of Education- Region II, sinabi nitong matagal nang pinaghandaan ang naturang regional athletic meet sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at mga paaralan, kaya inaasahang magiging maayos ang daloy ng kompetisyon at organisasyon ng mga laro.
Dagdag pa niya, kumpiyansa siya sa kakayahan ng mga atletang kalahok na mapataas pa ang kanilang performance kumpara noong nakaraang taon at makapagbigay ng mas malakas na delegasyon para sa Palarong Pambansa.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maagang iskedyul ng mga laro upang maiwasan ang matinding init ng panahon at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga atleta at coaches habang isinasagawa ang kompetisyon.
Samantala, dumalo ang ilang magulang mula sa iba’t ibang lugar sa rehiyon sa Cagayan Valley Regional Athletic Association Meet (CAVRAA) 2026 upang personal na suportahan ang kanilang mga anak sa unang pagsabak ng mga ito sa regional competition sa iba’t ibang sports events.
Kabilang dito si Ginang Ronna Lyn Calayan na bumyahe pa mula sa Tuguegarao City upang saksihan ang unang regional game ng kanyang anak na na sumali sa volleyball girls’ category ng Elementary level.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Calayan, mahalaga ang kanyang presensya sa mismong laro upang maipakita ang suporta at mabigyan ng kumpiyansa ang anak sa unang malaking kompetisyon nito, lalo na sa gitna ng kaba at excitement.
Aniya, mahalaga ang pakiramdam na nandoon mismo ang magulang para magbigay ng lakas ng loob sa bata.
Ibinahagi rin niya na matagal nang aktibo sa volleyball ang kanyang anak at tuloy-tuloy ang pagsasanay nito sa mga nakaraang school-based competitions, kaya’t itinuturing nila ang regional meet bilang mahalagang hakbang sa paghubog ng kakayahan at disiplina.
Malaking tulong din aniya ang gabay ng mga coach sa paghahanda ng mga batang atleta para sa mas mataas na antas ng palaro.











