--Ads--

Matapos ang ilang buwan na pahinga at rehabilitasyon, nakabalik na sa aksyon si Kai Sotto kasama ang Koshigaya Alphas sa Japan B.League

2025-26 season.

Nasilayan na si Sotto sa laro ng Alphas at Ibaraki Robots sa Hitachi City Ikenokawa Sakura Arena.

Ngunit sa kanyang unang laro, nagtamo ang 7-foot-3 Pinoy cager ng ankle sprain dahilan para malimitahan ang minuto nito.

--Ads--

Hinay-hinay muna si Sotto sa kanyang laro kung saan dalawang shots nito ang nagmintis.

Nagparamdam naman si Sotto sa depensa nang kumana ito ng tatlong blocks.

Isang block attempt ang ginawa ni Sotto laban kay Ibaraki player Kotaro Hisaoka subalit mali ang pagbagsak nito.

Nakabangon naman si Sotto at nakapaglakad pabalik sa bench.

Hawak ng Robots ang 57-43 kalamangan nang magtamo si  Sotto ng sprain sa ikatlong kanto ng laro.

Umiskor din si Sotto ng isang rebound at dalawang assists.

Nanalo ang Alphas sa Robots sa pamamagitan ng 83-81 overtime win.

Inaasahang ipapahinga muna ng Alphas si Sotto bago ito muling maglaro.

Magandang indikasyon ito dahil makalalaro na si Sotto sa mga laban ng Gilas Pilipinas sa taong ito.

Kabilang na rito ang FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Lalarga ang second window ng qualifiers sa Pebrero kung saan mas matitinding kalaban na ang haharapin ng Gilas Pilipinas partikular na ang New Zealand at Australia.

Makakalaban ng Gilas Pilipinas ang New Zealand sa Pebrero 26.

Haharapin naman ng Gilas Pilipinas ang Australia sa Marso 1.

Parehong lalaruin ang laban sa Mall of Asia Arena sa Pasay.