--Ads--

Nasabat ng magkasanib na Isabela Cops ang malaking bulto ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Alinam, Cauayan City, Isabela, nitong umaga ng Enero 9, 2026.


Bandang alas-6:40 ng umaga, habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa kahabaan ng national road, ay napara ang isang silver Toyota Hi-Ace van na may plakang NKT 2393.

Ang sasakyan ay minamaneho ng suspek na kinilalang si alias “Vincent,” may-asawa, isang technician, at residente ng Purok 7, Rosario, Santiago City, Isabela.


Batay sa paunang imbestigasyon, nakatanggap ng beripikadong impormasyon ang Isabela Police Intelligence Unit (PIU), PNP Cauayan City Police Station, 2nd PMFC, RMU2, at RHPU2 hinggil sa umano’y pagdadala ng ilegal na sigarilyo patungong Cauayan City. Agad na ikinasa ang checkpoint operation na nagresulta sa pagkakasabat ng nasabing sasakyan.

--Ads--


Sa isinagawang inspeksyon, tumambad ang mga kahon ng Marshal cigarette products. Nabigo ang driver na magpakita ng anumang legal na dokumento upang patunayan ang pinagmulan at legalidad ng mga nasabing produkto.
Nakumpiska mula sa direktang pagmamay-ari at kontrol ng suspek ang labimpitong (17) kahon ng green Marshal cigarettes, na may tig-50 reams bawat kahon at tig-10 pakete bawat ream, walong kahon ng red Marshal cigarettes, na may tig-50 reams bawat kahon at tig-10 pakete bawat ream; at isang unit Toyota Hi-Ace van na ginamit sa transportasyon ng mga nasabing produkto.


Sa kabuuan, umabot sa 1,250 reams ng sigarilyo ang nakumpiska na may tinatayang halaga na mahigit limang daan animnapu’t dalawang libong piso (₱562,500.00).


Agad na kinumpiska ng kapulisan ang mga ilegal na sigarilyo at pansamantalang isinailalim sa kustodiya ang sasakyan. Inaresto rin ang suspek para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.


Nakipag-ugnayan na ang PNP sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa City Legal Office para sa posibleng
pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Section 263 ng National Internal Revenue Code of 1997 (as amended) kaugnay ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).