CAUAYAN CITY – Natagpuan ang kalansay ng isang lalaking goat buyer na binaril at pinatay ng isang magsasaka na inaresto ng mga pulis dahil sa kasong arson sa Diffun, Quirino.
Ang pagpatay sa biktima na ibinaon umano ng suspek sa loob ng isang kuweba ay naganap limang taon na ang nakalipas.
Ang akusado ay si Michael Micol, 40 anyos may-asawa at residente ng Gulac, Diffun, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Victoriano Yarcia, hepe ng Diffun Police Station, sinabi niya na inaresto ang suspek dahil sa kanyang pagsunog sa bahay ng kanyang biyenan higit isang taon na ang nakalipas.
Matapos maaresto si Micol ay lumapit sa Diffun Police Station ang dalawang bayaw at isang pamangkin at ibinunyag ang tungkol sa pagbaril at paghukay ng akusado sa isang lalaki limang taon na ang nakaraan.
Ayon kay PMaj Yarcia, natakot ang mga witness na magsalita noon dahil kinakatakutan ang suspek sa kanilang lugar.
Nakarinig umano ang pamangkin ni Micol ng putok ng baril kaya niya ito pinuntahan ngunit nang makita ang akusado ay tumakbo siya palayo.
Gayunman, sinabi niya ito sa dalawang bayaw ni Micol kaya’t nagtungo sila sa lugar subalit nakasilid na sa sako ang biktima kaya hindi nila nakita ang mukha nito.
Ayon kay PMaj. Yarcia, medyo madilim na umano nang dinala ng suspek ang biktima sa isang kuweba at doon tinabunan ng lupa.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na bumibili ng kambing ang biktima at nagtungo sa lugar ni Micol subalit siya ay binaril at pinatay sa hindi pa malinaw na dahilan.
Ayon pa kay PMaj. Yarcia, itinatanggi ni Micol ang pagpatay sa biktima subalit isasampa pa rin nila ang kasong murder laban sa kanya dahil may mga nakakita sa pangyayari.
Nahukay na rin ang kalansay ng biktima at bibigyan nila ito ng maayos na libing sa pamamagitan ng tulong ng LGU Diffun.
Nanawagan si PMaj. Yarcia sa mga may kamag-anak na nawawala limang taon na ang nakalipas na makipag ugnayan sa kanilang himpilan.
Photo Credit: Diffun Police Station
















