Naka-high alert status na ang Cauayan City Police Station bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng Semana Santa ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran Jr., hepe ng PNP Cauayan, sinabi niya na simula pa noong Linggo, Marso 29 ay itinaas na ang high alert status sa Lungsod upang mapaghandaan ang inaasahang pagdagsa ng mga tao sa Lungsod.
Aniya, kabilang sa mahigpit na binabantayan ang Alicaocao river na isa sa mga dinarayo ng publiko lalo na tuwing holiday season. Kaya naman pinagigting ang pagbabantay sa lugar upang maiwasan ang hindi kanais-nais na insidente partikular ang pagkalunod.
Nagpakalat na rin ng kapulisan sa Simbahan, terminals, pangunahing lansangan at iba pang matataong lugar upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Nagpaalala rin ang kapulisan sa publiko na maging maingat at responsible lalo na sa paglalakbay at pagpunta sa mga pook-pasyalan.
Pinayuhan din niya ang mga motorista at biyahero na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan bago bumiyahe, gayundin ang mga aalis ng kanilang bahay na ugaliing ligtas ang kanilang bahay bago umalis upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.











