--Ads--

Inayos ng House of Representatives ang iskedyul ng pagdinig sa panukalang 2027 national budget dahil sa mga pagkaantala dulot ng masamang panahon, ngunit target pa ring matapos ang budget deliberations ayon sa orihinal na timetable.

Ayon kay House Appropriations Committee Chair Rep. Mika Suansing, muling magsisimula ang budget hearings sa Agosto 24, kung saan haharap sa komite ang ilang ahensya kabilang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Trade and Industry, Department of Justice, Philippine Charity Sweepstakes Office at Department of Science and Technology.

Sinabi ni Suansing na maaaring paikliin at pagsabay-sabayin ang ilang pagdinig kung kinakailangan upang mabawi ang mga naantalang hearing. Magpapatuloy ang committee-level budget hearings hanggang Setyembre 8.

Tiniyak naman ni Suansing na hindi isasakripisyo ang masusing pagsusuri sa panukalang budget para lamang makahabol sa iskedyul. Maglalaan din umano ang komite ng sapat na allowance sa schedule sakaling magkaroon muli ng pagkaantala.

--Ads--

Layunin ng Kamara na masusing masuri ang bawat panukalang gastusin at maipasa sa takdang panahon ang 2027 national budget.