Mariing kinondena ng abogado ni Pastor Apollo Quiboloy ang umano’y kahina-hinalang timing ng extradition request ng Estados Unidos laban sa kanyang kliyente, na aniya’y panghihimasok sa soberanya ng Pilipinas.
“Lubos kaming nababahala sa posibleng paglipat kay Pastor Apollo Quiboloy sa Amerika,” pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio.
“Hindi kapani-paniwala ang timing kasabay ito ng mga kontrobersiya sa flood control projects, budget insertions, at ang bigong tangkang pagpapatalsik sa Bise Presidente.”
Giit ni Topacio, may kinakaharap nang kaso si Quiboloy sa Pilipinas kaya’t hindi dapat basta-basta isuko sa dayuhang kapangyarihan. “Ang ganitong pagsuko ay makasisira sa ating dangal bilang bansa,” dagdag niya.
Nilinaw naman ng Department of Justice (DOJ) na wala pang pormal na extradition request mula sa Amerika.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano IV, dapat munang dumaan sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang anumang kahilingan bago ito mapunta sa DOJ.
“Wala pang natatanggap ang DFA, kaya’t imposibleng may opisyal na request na ang DOJ,” ani Clavano.
Dagdag pa niya, hindi maaaring i-extradite si Quiboloy habang may nakabinbing kaso pa ito sa lokal na korte.
Ayon sa ulat, kinumpirma ni Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na may naipasa nang dokumento ang US kaugnay sa extradition kaugnay sa kasong isinampa ng US noong 2021, inaakusahan si Quiboloy ng sex trafficking ng mga menor de edad, conspiracy, fraud, at bulk cash smuggling.
Sakasalukuyan ay nakakulong si Pastor Quiboloy sa Pasig City Jail matapos sumuko noong Setyembre 2024 dahil sa hiwalay na kasong sexual abuse at human trafficking.
Kung maaalala may umiiral na extradition treaty ang Pilipinas at Amerika mula pa noong 1994, na nagsasaad ng mga kundisyong dapat sundin, kabilang ang pag-iwas sa extradition para sa political o military offenses, capital crimes, o mga kasong napagdesisyunan na sa lokal na hukuman.
Si Quiboloy ang tagapagtatag ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao at dating kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ngayon ay nakakulong sa The Hague dahil sa kasong isinampa sa International Criminal Court.










