--Ads--

Humiling ng temporary restraining order (TRO) ang kampo ni Senator Bato Dela Rosa sa Korte Suprema upang pigilan ang anumang tangkang pag-aresto sa senador, kasunod ng paglalagay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ng ₱50-milyong pabuya para sa kaniyang pagkakaaresto.

Sa manifestation na inihain ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Dela Rosa, hiniling nito sa Korte Suprema na maglabas ng TRO upang harangin ang posibleng pag-aresto sa senador.

Kinuwestiyon ng kampo ni Dela Rosa ang agarang paglalabas ng pabuya ng pamahalaan, gayong hindi pa umano naaaksyunan ang kanilang motion for reconsideration na kumukuwestiyon sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Bukod sa pagpigil sa pag-aresto, hiniling din ng kampo ng senador na harangin ang anumang hakbang upang siya ay isuko sa ICC at pigilan ang pagpapatupad ng ₱50-milyong pabuya laban sa kaniya.

--Ads--

Umapela rin sila sa Korte Suprema na baliktarin ang nauna nitong desisyon na nagbasura sa petisyon ni Dela Rosa para sa pagpapalabas ng TRO laban sa pagpapatupad ng arrest warrant ng ICC.