Humiling ang kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment court na maglabas ng subpoena para sa apat na indibidwal na nais nilang iharap bilang mga susunod na testigo sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 19 at 20.
Ayon kay House prosecution panel member at Manila Representative Joel Chua, apat na indibidwal ang tinukoy ng depensa sa kanilang kahilingan, bagama’t hindi na siya nagbigay ng karagdagang detalye.
Kabilang sa mga nais ipatawag sina Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting PH na magbibigay-linaw sa mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act; Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo; Food and Drug Administration (FDA) Director Pilar Marilyn Pagayunan; at isang kinatawan ng Center for International Expositions and Missions (CITEM).
Inaasahang tatalakay ang mga testigo mula sa DTI, FDA at CITEM sa pagpaparehistro ng Cale88 Foods Corporation, kabilang ang mga produktong banana chips nito at mga transaksiyon at komunikasyon ng kumpanya.
Nauna nang ipinaalam ng defense panel sa impeachment court na mayroon pa silang walo hanggang sampung testigong ihaharap sa paglilitis.
Sa ilalim ng mga patakaran ng impeachment court, kailangang isumite ng prosecution at defense panels ang pangalan ng kanilang mga testigo limang araw bago ang paglilitis kung hindi pa kabilang ang mga ito sa pre-trial order.
Si Duterte ay nahaharap sa impeachment kaugnay ng alegasyon ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.











