--Ads--

Plano ng kampo ni Vice President Sara Duterte na magpiyansa matapos maglabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Quezon City kaugnay ng tatlong kasong grave threats, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Sinabi ni Remulla na kinumpirma ng mga abogado ni Duterte na natanggap na nila ang warrant at balak nilang magpiyansa sa lalong madaling panahon.

Nasa ₱120,000 ang piyansa para sa bawat kaso, o kabuuang ₱360,000 para sa tatlong reklamong isinampa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act o Republic Act No. 10175.

Inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang warrant of arrest noong Setyembre 4 matapos nitong makita ang sapat na batayan o probable cause upang isailalim sa paglilitis ang Bise Presidente.

--Ads--

Kinumpirma rin ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim na natanggap nila ang warrant at sinabi nitong patuloy nilang haharapin at kukuwestyunin ang kaso sa korte.

Ang tatlong kasong grave threats ay isinampa ng Department of Justice noong Agosto 11 batay sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation.

Nag-ugat ang kaso sa naging pahayag ni Duterte sa isang Zoom interview kung saan sinabi niyang nagbigay siya ng utos na ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Leyte Representative Martin Romualdez sakaling siya ay mapaslang.