Pinag-aaralan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang posibleng pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Ito’y kasunod na rin ng mga alegasyon ng dating sundalo at senador na nakinabang umano ang pamilya Duterte sa multi-milyong remittances mula sa China at isang local drug lord.
Ayon kay Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni VP Sara, ang mga alegasyon ni Trillanes ay pang-parlor at hindi pang-korte.
Iginiit niya na upang tanggapin sa korte, ang mga nag-aakusa ay dapat na may personal na kaalaman sa kanyang ibinibintang at kailangang may credible na ebidensiya, na wala aniya kay Trillanes.
Sa kabila nito, nagpahayag din ng pagdududa si Panelo kung uusad ang kaso laban kay Trillanes, sakaling matuloy ang gagawin nilang pagsasampa rito.
Paliwanag pa niya, nakita na nila ito nang sampahan ng kaso si Ramil Madriaga na nagsabing siya ay bagman ng bise presidente.
Dagdag pa ni Panelo, tatalakayin pa nila ang iba pang legal na remedyo at mga opsiyon kay VP Sara upang malaman kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso laban kina Trillanes at iba pang taong nag-aakusa laban sa bise presidente.











