--Ads--

CAUAYAN CITY – Hihilingin ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan sa ilang airline companies na magkaroon ng karagdagang flight sa Cauayan City Domestic Airport.

Ito ang inihayag ni Punong Lungsod Caesar Dy Jr. kasabay ng launching para sa 33rd North Luzon Area Business Conference ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI.

Naniniwala si Mayor Dy na kung madadagdagan ng afternoon at night flight sa Cauayan City Domestic Airport ay darami ang mga investor na magpapatayo ng kanilang mga negosyo.

Aniya, madalas umanong tinatanong ng ilang negosyante kung paano makakarating sa Lungsod ng Cauayan gayundin kung makakabalik agad sila kung bibisita sa lungsod ng Cauayan.

--Ads--

Kabilang sa mga airline companies na kanilang lalapitan para rito ang Philippine Airlines, Air Asia at Cebu pacific.

Dagdag pa ng alkalde na napapanahon ang naturang kahilingan lalo na at malapit nang matapos ang ilang proyekto sa bahagi ng East Tabacal at Forest Region partikular ang Santa luciana – San Pablo Bridge at Cabaruan – Mabantad Bridge na kapalit ng Alicacao Bridge na maaaring magbukas ng karagdagang negosyo sa lungsod.

Nangako naman ang PCCI na kanilang tutulungan ang pamahalaang lungsod sa pagkakaroon ng karagdagang flights sa paliparan.