--Ads--

Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 6.4% Gross Domestic Product (GDP) Growth rate sa lalawigan ng Isabela mula 2023 hanggang 2024 mas mataas kaysa sa 4.6% nitong record noong 2022-2023.
‎
Ayon sa ulat, pangunahing nagtulak sa naturang pag-unlad ang sektor ng industriya, services, at agrikultura.
‎
‎Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSA Isabela Chief Statistical Specialist Julius M. Emperador, sinabi nitong inaasahang mapapanatili ang positibong trajectory ng ekonomiya ng Isabela sa susunod na taon.
‎
Kabilang sa mga itinuturong salik ang pagpapatuloy ng mga programa sa imprastruktura, modernisasyon ng agrikultura, digitalisasyon, at ang tuloy-tuloy na suporta sa mga maliliit na negosyo.
‎
‎Nanguna ang sektor ng industriya na nagtala ng 13.4% na growth, bunsod ng pagbangon ng manufacturing at construction activities sa lalawigan. Pumangalawa ang sektor ng services na nagtala ng 6.2% growth, na pinangunahan ng wholesale at retail trade, transportasyon, at mga financial services.
‎
Samantala, nagtala ng 0.7% na bahagyang paglago ang sektor ng agrikultura, forestry and fishing (AFF), sa kabila ng epekto ng El Niño at iba pang hamon sa produksyon.
‎
‎Inilabas din ng PSA ang datos ukol sa bahagi ng bawat sektor sa regional economies para sa taong 2024. Naitala ang 49.8% share ng AFF sa kabuuang output sa rehiyon, habang may 40.7% ang industriya at 44.3% ang services.
‎
Ipinakikita ng datos na nananatiling mahalaga ang agrikultura sa rehiyon, habang patuloy ding lumalawak ang kontribusyon ng mga sektor ng industriya at serbisyo sa ekonomiya.